7 naman sa 9 na VP bets, dadalo sa Comelec-sponsored debates
Siyam sa sampung kandidato sa pagka-pangulo ang nagbigay na ng kumpirmasyong dadalo sa kauna-unahang Presidential Debate ng Commission on Elections na isasagawa sa Marso 19.
Sa mga 2022 presidential candidates, tanging si dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang hindi pa nagbigay ng commitment sa pagdalo sa nasabing debate.
Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez, ang mga sumusunod ay nagbigay na ng kumpirmasyon sa pagdalo sa Comelec PiliPinas Debates: Ernie Abella, Leody De Guzman, Manila Mayor Isko Moreno, Sen. Panfilo “Ping” Lacson Jr, Norberto Gonzales, Faisal Mangondato, Jose Montemayor Jr, Senador Manny Pacquiao at Vice President Leni Robredo.
Sa siyam naman na kandidato pagka-bise presidente, pito lamang ang nagbigay ng kumpirmasyon ng pagdalo sa debate. Hindi makadadalo si House Deputy Speaker Lito Atienza dahil sa “medical reasons.” Si Davao City Mayor Sara Duterte naman ay wala pa ring kumpirmasyon sa pagdalo sa nasabing debate.
Ang COMELEC presidential debate ay gagawin sa Marso 19 habang ang vice presidential debate naman ay sa Marso 20.
Magkakaroon rin ng ikalawang presidential debate ang COMELEC sa Abril 3. Sa Abril 23 at 24 naman ay magsasagawa ang Comelec ng Presidential at Vice Presidential Town Hall Debates.
Ayon sa Comelec, ang hindi makadadalo sa kanilang debate ay hindi na papayagang maka-ere sa kanilang e-rallies hanggang sa bago ang halalan.
Ngunit binanggit rin ni Jimenez na maaari pa ring makadalo sina Marcos at Duterte sa debate kahit wala silang paunang commitment na isinumite sa poll body.
(Madelyn Villar Moratillo, Eagle News Service, NET25)
Panoorin ang kabuuan ng balita sa: