(Eagle News) – Mahigit 900 estudyanteng lumikas mula sa Marawi City ang nakapagsimula na ng klase sa Lanao.
Noong Martes, Hunyo 27, nang simulan ang klase para sa mga nasa elementarya at high school gamit ang mga tent na itinayo ng Department of Education-Autonomous Region in Muslim Mindanao upang magsilbi nilang pansamantalang paaralan.
Ilan sa mga bayan na tinayuan ng tent school ay ang Saguiaran, Pantar at Balo-i.
May feeding program din na isinasagawa para sa mga estudyante.
Muli namang nanawagan ng tulong at donasyon ang DepEd gaya ng learning kits, hygiene at sanitation kits, mga panlinis, upuan at tolda.
Gayundin ng mga magagamit sa pagpapaayos ng mga nasirang paaralan.
Samantala, 500 pamilyang evacuees sa provincial capitol ng Marawi City ang nakinabang sa ipinamahaging emergency cash assistance ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ang bawat registered na pamilya ay makatatanggap ng Php 5,000 cash assistance bagaman Php 1,000 pa lamang ang naibigay sa ngayon.
Ayon sa DSWD, ihahabol na lamang nila ang natitira Php4,000.
Sa pahayag ni Asnaira Bunsa ng DSWD crisis intervention sa Region 12, noong Lunes (June 26) pa dapat ipinamahagi ang Php1,000 ngunit hindi aniya ito umabot sa nakatakdang petsa.
Aurora Sevilla – Eagle News Correspondent