(Eagle News) – Siyamnapu’t anim na panukalang batas ang naisabatas ng House of Representatives mula nang magbukas ang 17th Congress noong July 2016.
Batay sa accomplishment report na isinumite ni Majority Leader Rodolfo Fariñas kay Speaker Pantaleon Alvarez, nakasaad na 2,929 na panukalang batas ang naisalang ng mababang kapulungan.
Mayroon aniya itong average na 16 na panukala ang naisasalang sa kada sesyon.
Kabilang sa mga mahahalagang panukala na naging batas ay ang Republic Act No. 10931 o ang “Universal Access o Quality Tertiary Education Act”, na nagkakaloob ng libreng matrikula sa state universities at colleges sa bansa. “Republic Act No. 10969, o ang Free Irrigation Act,” na nagbibigay ng libreng irigasyon sa mga magsasaka.
Kasama rin sa mga naisabatas ang Republic Act No. 10932, o ang batas na nagpapalakas sa Anti-Hospital Deposit Law na nagpapataw ng parusa sa mga ospital at clinic na tatangging magbigay ng inisyal na medical treatment sa panahon ng emergency.
Republic Act No. 10928 o ang batas na nagpapalawig sa validity ng Philippine passports” kung saan valid na ang pasaporte nang hanggang sampung taon mula sa dating lima.
Naisabatas din ng kamara ang Republic Act No. 10930 o ang pagpapalawig sa validity period ng driver’s license.