Ni Meanie Corvera
(Eagle News) — Emosyonal na humarap sa pagdinig ng senado ang isa sa mga testigo sa umano’y summary executions ng ilang pulis sa mga hinihinalang sangkot sa operasyon ng iligal na droga.
Sa kaniyang testimonya, sinabi ni Harra Kazuo, isa sa mga testigo, na gabi noong ika-anim ng Hulyo nang pumasok sa bahay nila ang tatlong tauhan ng Philippine National Police (PNP) Pasay.
Agad daw kinompronta ang kaniyang partner na si JP Bertes at pilit pinaglalabas ng shabu.
Aminado si Kazuo na nagbebenta ng droga ang live-in partner nito na katunayan aniya ay naaresto na noong nakaraang taon subalit napalaya matapos umanong makipag-areglo at magbayad ng P10,000 sa mga pulis.
Nakatakda na aniyang sumuko si Bertes dahil sa takot na mapatay subalit nagsagawa umano ng operasyon ang mga tauhan ng Anti-Illegal Drugs bago pa man matuloy ang naturang balak.
Nang wala raw mailabas na droga ang partner, dinala ito sa Station 4 kasama ang umaawat lang na ama nitong si Renato Bertes saka doon aniya binugbog ng mga pulis bago naman i-turn over sa station ng Anti-Illegal Drugs.
Nakita niya pa aniya na puro pasa sa katawan si JP kaya humingi siya ng tulong para maipa-medical ito subalit sa morgue na niya ito muling nakita.
Batay sa otopsiya na ginawa ng Commission on Human Rights (CHR), kapwa nagtamo ng tatlong tama ng bala sa katawan ang mag-amang Bertes habang may mga pasa rin umano ang mga biktima katunayan umanong tinorture muna sila.
Sa kabila nito, paliwanag naman ng mga mga pulis, nang-agaw umano ng baril ang mag-ama habang ipinapasok sa selda.
Ayon kay PS/Supt. Nolasco Bathan ng Pasay PNP, nag-positibo sa droga ang mag-ama matapos isailalim sa drug test habang kinasuhan na rin aniya nila ng murder ang dalawa sa mga pulis na umaresto sa mga Pertes.
Pulis din umano ang drug supplier —
Sa salaysay naman ng isa pang testigo, inamin nito na pulis mismo ang nagsusuplay ng droga sa mga dealer.
Ayon kay Mary Rose Aquino, sinalvage umano ng mga tauhan ng Antipolo Police ang kaniyang mga magulang noong June 20, 2016 para hindi na aniya ibunyag pa ang kanilang operasyon.
Asset umano ng mga pulis ang ama ni Aquino at mismong mga magulang niya ang nagsisilbing tagabenta ng mga narerekober na iligal na droga.
Katunayan aniya, nang araw na mapatay sila sa umano’y police operations, nakatakda raw silang magremit ng P50,000 mula sa pinagbentahan ng droga.
Dagdag pa nito, madalas aniyang ang mga magulang niya rin ang ka-pot session ng mga pulis na ginagawa pa sa kanilang tahanan.
Ayon naman kay Senadora Leila de Lima, 10 testigo pa ang ihaharap nila sa imbestigasyon kalakip ang pagtitiyak na hindi aniya ito para siraan ang pulisya o pahinain ang giyera laban sa droga, kundi upang palakasin pa ang mga umiiral na batas.
PNP, nagpaliwanag sa pagkadiin sa extrajudicial killings —
Sinabi ni PNP Chief Ronald dela Rosa, tuloy ang kanilang imbestigasyon sa mga kaso ng pagpatay at pagbuwag sa mga police scalawag.
Sa datos na hawak nito, hanggang ngayong araw, umaabot na aniya sa 1, 779 ang napapatay sa kampanya laban sa droga kung saan 712 sa mga ito ang napatay sa police operations habang ang mahigit 1,000 ay biktima ng vigilante killings.
Pero apela naman ni Dela Rosa sa CHR, hindi aniya tamang idiin sila sa kaso ng extrajudicial killings at dapat hingan din aniya ng paliwanag ang PNP sa kanilang imbestigasyon.
Kaugnay nito, sinibak na ni Dela Rosa ang commander at mga tauhan ng Antipolo PNP na nadawit sa pag-salvage sa mag-asawang Aquino.
Pinagreport na rin sila sa Kampo Crame ngayong araw para sumailalim sa imbestigasyon.
Tuloy naman ang imbestigasyon ng senado bukas kung saan pinahaharap naman ang dalawang pulis na sinasabing nakapatay sa mag-amang Bertes sa Pasay City.