Mayor Sara Duterte, nagalit sa pagkamatay ng batang isinilid sa sako sa Davao

DAVAO City (Eagle News) – Sa kabila ng maselan na kalagayan ni Davao City Mayor Inday Sara Duterte, naglaan pa rin ito ng panahon upang personal na makiramay sa pagkamatay ng 3 taong gulang na batang lalake na si Kean Gabriel Agustin Mendoza.

Matatandaan na namatay ang bata nitong Miyerkules, August 24, 2016 matapos itong inabuso at inilagay ng amain na si Sonny Boy Mendoza at ng inang si Grace Agustin sa sako ng ilang beses at nahulog ito.

Matinding pagkagalit ang naramdaman ni Mayor Sara Duterte habang ikinikwento ng mga kamag-anak ng biktima ang masaklap na pagkamatay ng bata sa kamay ng ama-amahan nito.

Ayon sa Alkalde, kukuha umano ito ng Private Prosecutor at itutuloy ang pagsasagawa ng mas angkop na parusa kay Mendoza kung saan kabilang dito ang ina ng bata na walang ginawa upang iligtas ang buhay ng anak nito.

Hindi pa umano sapat ang parusang natanggap ng mga magulang ng bata na kasalukuyang nakakulong sa kasong murder at parricide.

Courtesy: Haydee Jipolan – Davao City Correspondent