ANGAT, Bulacan (Eagle News) – Pinulong ang mahigit 800 katao na sumuko at umaming gumagamit ng droga na isinagawa sa Angat Gym, Bulacan.
Ayon kay Angat Municipal Mayor Leonardo de Leon, pangatlong ulit na ito ng serye ng pagpupulong na kanilang isinasagawa sa kanilang bayan. Inorganisa na nila ang ganitong mga aktibidad upang matulungan ang kanilang mga kababayan na nahulog sa masamang bisyo para makapagbago.
Sa pagpupulong ay mayroong attendance upang malaman kung ang mga dati nang sumuko ay patuloy na nakikipagkaisa at tinupad ang kanilang ipinangako na tuluyan ng iiwan ang droga. Kapansin pansin aniya ng alkalde na maging sa kaanyuan ay malaki na ang ipinagbago ng mga sumuko mula noong una silang tipunin.
Sa kasalukuyan ay inihahanda ng mga opisyales ng lokal na Pamahalaan ng Angat ang pagsasanay sa mga sumuko sa pag aaral ng iba’t ibang kaalaman katulad ng paggawa ng sabon at pag-aaral sa TESDA na gugugulan ng lokal na pamahalaan. Ang ganitong programa ay malaki ang maitutulong upang mayroon ng pagkakaabalahan ng mga sumuko at makatulong na rin para sa kanilang kabuhayan.
Courtesy: Andy Orbe, Neil Castro, at Jun Duruin – Bulacan Correspondent