DAVAO City (Eagle News) – Sinalubong ng Police Regional Office 11 ang pagpapalaya kina PCI Arnold Ongachen, Station Commander ng Governor Generosao Police Station sa Davao Oriental at PO2 Michael Grande.
Ang dalawang opisyal ay pinalaya ng mga rebeldeng NPA sa Lupon Municipality bandang 4:00 ng hapon noong Biyernes, August 26, 2016 at inilagak kay Sen. Manny Pacquiao kasama ang Eastern Mindanao Command Commander, at Police Regional Office 11, Regional Director , PCSupt Manuel R Gaerlan .
Matatandaan na binihag si Ongachen matapos masawi ang ilang miyembro ng NPA sa pag-atake ng mga ito sa Police Station. Halos 3 buwang bihag ng mga rebeldeng NPA si PCI Arnold Ongachen na kinuha ng NPA
noong May 29, 2016 habang si PO2 Michael Grande naman ay noong July 19, 2016 sa boundary ng Banay Banay, Lupon, Davao Oriental.
Ayon kay Gaerlan, matagal na umano nilang inaasahan ang pagpapalaya sa dalawang opisyal dahil ang NPA umano ay walang magawa kundi ang palayain ang mga bihag upang i-angat ang imahe ng revolutionary movement.
Nagpasalamat ang kabuuan ng PNP sa pamamagitan ng Press Release na inilabas ng PRO 11 sa kaligtasan ng dalawang police officers na ngayon ay malaya na. Kinundena naman ng PNP ang sistemang “Dukot-Pampropaganda” ng Kilusang Komunista at sinabing ito ay maliwanag na paglabag sa karapatang pantao ng mga pulis.
Sa huli, nanawagan si Gaerlan sa Commission of Human Rights (CHR) na imbestigahan ang detention facilities ng NPA ( kung meron man ) at ang kondisyon ng kaparehas na prisoners of war (POW) na bihag pa ngayon ng mga rebelde.
Courtesy: Haydee Jipolan – Davao City Correspondent