Tinitimbang ngayon ng mga kinauukulan ang pagdedeklara ng “State of Lawlessness” sa buong bansa ni Pangulong Rodrigo R. Duterte matapos ang madugong pagsabog sa Davao City.
Sinagot din ng Malacañang ang ilang katanungan kung ano ba ang ibig sabihin ng ‘state of lawlessness’.
Sa isang statement, sinabi ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella, na ang deklarasyon ni Pangulong Duterte ay nakasaad sa Article VII Section 18 ng konstitusyon.
Sa deklarasyon, tinatawagan ng Pangulo ang militar na supilin ang karahasan o lawless violence.
Sinabi naman ni National Union Of Peoples’ Lawyers Secretary General Edre Olalia isang legitimate tool ang deklarasyon ng pamahalaan. Ngunit dapat maging malinaw ang parameters nito dahil ang hindi pangkaraniwang kapangyarihan ay madali umanong mauwi sa pag-abuso.
Sinabi naman ni dating Ateneo School of Government Dean Antonio La Viña, kailangang maging mapagmatyag bagaman ang deklarasyon ng Pangulo ay hindi naman mauuwi sa permanente at unconstitutional regime.
Paliwanag naman ni Presidential Peace Adviser Jesus dureza, ang state of lawlessness ay panawagan lamang sa militar na gumawa ng law enforcement operation na normal na ipinatutupad ng pulisya.
Karaniwan itong ginagawa para supilin ang lawless violence o karahasan.
Bagaman ito ay pandagdag sa kapabilidad ng pnp, hindi nangangahulugang sinususiupinde nito ang ilang karapatan.
Nilinaw rin niyang hindi na kailangang isailalim sa judicial o congressional review ang deklarasyon ng pangulo.
Wala namang tutol si dating Senate President Aquilino “Nene” Pimentel, sa deklarasyon ng pangulo dahil katungkulan nitong pangalagaan ang taongbayan.
Subalit dapat aniya, mas dapat maging maingat na suriin kung nababawasan ang karapatan ng mamamayan.
Inihalimbawa nito ang pagpapatupad ng curfew sa ilang lugar at hindi sa buong bansa dahil kailangan nito ang batas.
Sinabi naman ni Public Attorney’s Chief Persida Acosta na hindi dapat maka-apekto ang deklarasyon sa pamamaraan ng pagsasagawa ng warrantless arrests.
Ibig sabihin, gagawin lamang ang pagdakip kung ang isang tao ay nakagawa o magtatangkang gumawa ng krimen…kung ang taong naaresto ay nakatakas sa bilangguan o sa hot pursuit operations.