(Eagle News) — Haharangin ng oposisyon sa Kamara ang anumang hakbang para ma-abolish ang Barangay Council at Sangguniang Kabataan (SK).
Ito ang tiniyak ni Albay Rep. Edcel Lagman, kasabay ng inaasahang pagtalakay bukas sa panukalang pagpapaliban sa barangay at SK elections ngayong Oktubre.
Apela ni Lagman sa mga kapwa mambabatas, hayaan munang maipatupad ang SK Reform Act na ipinasa nila bago magdesisyong i-abolish ang SK at kung sa implementasyon nito ay may mga makita pa rin aniyang depekto, saka na lang aniya isulong ang pag abolish dito.
Sa ilalim ng inamyendahang batas, bawal nang kumandidato sa SK ang mga kabataang may kamag-anak na nakaupo sa gobyerno habang dapat namang nasa edad 18-24 ang mga maaaring tumakbo sa posisyon sa SK.
Samantala, sa ilalim ng house bill 3384 ni Speaker Pantaleon Alvarez, magkakaroon ng hold over capacity ang lahat ng barangay officials hanggang sa maidaos ang halalan sa October 23, 2017.
Inaasahan namang agad rin itong maipapasa upang maisalang sa plenaryo ng Kamara.
Sa statement ng House Leadership na binasa ni Deputy Speaker Gloria Macapagal-Arroyo, iginiit din ang kagustuhan ni Speaker Alvarez na buwagin na ang posisyon ng SK at Barangay Council dahil sayang lamang umano ang P24 billion kada taon na ginagastos para rito.
Bukod pa rito, hindi na umano kailangan ang SK dahil well-represented na ang kabataan sa kongreso habang ang mga proyekto rin umano ng SK ay limitado lamang sa pagpapagawa ng mga basketball court.
Katwiran pa ng mga lider ng kamara, ang mga naghahangad anila na maluklok sa SK ay pinopondohan ng kanilang mga magulang pero sa halip na mahasa bilang mahuhusay na lider ay nahahasa lamang umano sa galaw ng maruming politika.