Bontoc, Mt. Province (Eagle News)- Naki-isa sa Nationwide Earthquake Drill ang mga mamamayan ng Mountain Province partikular dito sa bayan ng Bontoc na siyang sentro ng lalawigan.
Eksaktong alas 9:00 ng umaga nang may tumunog na sirena bilang hudyat na may magaganap kunwari na pagyanig.
Nagsagawa ng drop, cover, and hold procedures ang mga nakilahok sa pagsasanay.
Pagkatapos ng 45 segundo ay maingat at dali-daling lumabas sa gusali at exit doors ang mga “participants” patungong plaza at Eyeb Ground na siyang evacuation site.
May mga nakatalaga ring mga monitor na susubaybay ng bawat isa, partikular na ang mga nagsasagawa sa mga eskwelahan at pamantasan sakaling ang paglindol ay naganap habang nagka-klase o nag-oopisina.
Ang mga nanguna sa Search and Rescue Operation ay nagmula sa opisina ng DILG, PNP, Army , Lokal na Pamahalaan, at PDRRMC.
Napagsanayan din sa Government Center building ang ukol sa actual na pagri-rescue at paglapat ng lunas sa mga kunwa’y napinsala sa pangyayari at pagkatapos ay dinala ang mga biktima sa Plaza ng Bontoc , bilang pinaka Command Post ng mga biktima.
Erwin Dello at Xia Garcia, Eagle News Correspondents, Mountain Province