BOHOL (Eagle News) – Tumaas ang bahagdan ng Central Visayas na ngayon ay nasa 1.76 % ang average sa Annual Population Growth kung ikukumpara sa buong Pilipinas. Ito ay nakuha base sa isinagawang survey sa 2015 Census of Population (POPCEN) na pinangunahan ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Base sa survey, taong 2000 ay mayroon lamang 4.5 milyon ang total average ng population sa buong Visayas ngunit sa kasalukuyan ay umabot na ito sa 6,041,903.
Kung susumahin ang sensus ng buong Pilipinas umaabot lamang sa 1.72 % ang pagtaas ng bahagdan ng populasyon samantalang ang Central Visayas na sinasakupan ng mga probinsiya ng Bohol, Cebu at Siquijor ay nakapagtala ng 1.76 %.
Ayon pa sa PSA, ang 2015 POPCEN ay isinagawa sa pamamagitan ng personal interview sa mga kababayan mula sa 42,036 na mga barangay gamit ang 90,000 census enumerators, 23,000 field team supervisors at 5,000 area supervisors.
Kasama sa bilang ng populasyon ang mga dayuhan na naninirahan na ng mahigit isang taon sa bansa.
(Angie Valmores – EBC Correspondent, Bohol)