MEYCAUAYAN CITY, Bulacan (Egle News) – Labis ang kasiyahan ng mahigit 70 na mangingisda sa natanggap nilang tulong mula sa lokal ng Pamahalaan ng Meycauayan, Bulacan. Ang kanilang mga natanggap na tulong ay gamit para sa kanilang pangingisda tulad ng lambat na may kasamang nylon needle at water proof bag, at iba pang gamit pangisda.
Ang turn over ceremony ay pinangunahan ng Meycauayan City Government sa pakikipagtulungan ni Mayor Henry Villarica kasama ang mga opisyal na mula sa ikaapat na Distrito ng Bulacan, Bureau of Aquatic Resources ng Region 3 na pinangungunahan ni Gng. Carmen Agustin, Provincial Coordinator, Joseph Bitara, OIC Fish Capture Section at ni Ronaldo Bernardino Aqua Culturist II ng Provincial Agriculture Office at ilan pang mga opisyal mula sa nasabing Lungsod.
Layunin ng proyekto na makatulong sa mga mangingisda na may kakulangan sa kagamitan sa panghuhuli ng isda sa karagatan ng sa ganun ay mapadali din ang kanilang trabaho sa panghuhuli.
Ayon kay Mayor Villarica ang pamamahagi ng lambat ay simula pa lamang ng pagtulong ng lokal na Pamahalaan sa mga mamamayan ng Meycauan. Umaasa din ang alkalde na mapagyaman ng mangingisda ang mga lambat at ilan pang kagamitan na maaring maging simula ng maayos na pagbabago. Dagdag pa ng alkalde na sana ay kanilang mapagtulungan kasama ang mga mangingisda na maibalik din ang dating maayos at malinis na ilog sa kanilang Lungsod. Pinuri din ng alkalde sa nasabing pagtitipon ang tatlong Barangay sa lungsod dahil sa may sarili na itong pondo sa pangingisda mula sa Agriculture of Fisheries.
Samantala lubos naman ang pagpapsalamat ng mangingisda na nabigyan ng tulong. Ayon sa kanila malaking tulong ang mga gamit na kanilang natanggap para sa kanilang hanap buhay.
Earlo Bringas – EBC Correspondent