PANUKULAN, Quezon (Eagle News) – Ang isa sa malaking pinagkukunan ng ikinabubuhay ng mga mamamayan sa lalawigan ng Quezon ay ang produkto na mula sa niyog. Taon-taon tuwing sasapit ang buwan ng Agosto ay nagsasagawa ang lalawigan ng selebrasyon patungkol dito na pinangungunahan ng Provincial Government. Kalahok sa nasabing selebrasyon ang lahat ng Bayan sa Quezon upang ipakita, ipakilala at ipagbili ang ipinagmamalaki nilang mga produkto na mula sa niyog at ang mga gawa galing dito.
Lahat na halos ay napapakinabangan sa puno ng niyog. Nagagawa itong coco lumber, ang dahon ay maaring gawing walis tingting, ang bunga naman ay pwedeng buko o buko juice at higit sa lahat ay gawing copra.
Ang copra ay ang malaking pinagkukunan ng ikinabubuhay ng mga Quezonian. Kapag nagcopra ang natitira sa bukid ay ang mga bao na lamang na karaniwang ginagawang uling. Pero sa Bayan ng Panukulan, Quezon na sakop ng Polillo Island ay binigyan ng kahalagahan ang bao ng niyog. Ginagawa nila itong iba’t ibang kasangkapan batay sa laki at hugis nito.
Kasama sa mga produkto na kanilang nagagawa ay;
- Pitsel
- Lamp shade
- Picture frame
- Key chain
- Kopita
- Tasa
- Flower base
- at mga pang display sa bahay
Ang mga produktong ito ay naipagbibili maging sa mga syudad at iba pang lalawigan.
Bilang suporta ng Lokal na Pamahalaan ay nagsagawa sila ng pagsasanay para sa paggawa ng mga handicraft mula sa bao ng niyog. Ang layunin nito ay upang magkaroon ng pinaglilibangan, dagdag kabuhayan at upang mapataas pa ang kalidad ng mga produktong gawa sa bao ng niyog. Tunay na ang mga bagay sa ating paligid na akala natin ay wala nang pakinabang ay maaari pang pagkakitaan at maging dagdag kabuhayan.
Ronald Pujeda – EBC Correspondent, Quezon