SAN VICENTE, Palawan (Eagle news) – Tinanghal ang Munisipyo ng San Vicente bilang 2016 Regional Nutrition Green Banner Awardee sa buong Rehiyon ng MIMAROPA. Ito ay matapos na makapagtala ng 1st Top Low Malnutrition Prevalence Rate (MPR) sa buong isang taon. Nangangahulugan ito na ang San Vicente ang may pinakamababang naitala ng malnutrisyon sa buong lalawigan ayon sa datos ng Provincial Nutrition Action Office (PNAO).
Ang naturang pagkilala ay iginawad noong November 8 sa The Heritage Hotel, Pasay City sa pamamagitan ng Department of Health (DOH) at National Nutrition Council (NTC) MIMAROPA.
Pinarangalan din bilang Regional Outstanding Barangay Nutrition Committee ang Barangay New Agutaya ng San Vicente dahil sa kahusayan nito sa pamamahala ng programang pangnutrisyon. Mula naman sa 2,300 Barangay Nutrition Scholars ng MIMAROPA ay kinilala si Gng. Carmencita A. Quimay ng nasabing Barangay bilang isa sa limang Outstanding Barangay Nutrition Scholar sa buong rehiyon.
Ayon kay Bb. Rachel Paladan, Provincial Nutrition Action Officer (PNAO) ng Palawan, ang pagbibigay ng pagkilala sa mga natatanging indibidwal at samahan ay bahagi ng taunang gawain ng DOH-MIMAROPA. Upang maitampok aniya ang mga nagtataguyod ng kalusugan sa bawat lalawigan. Malaki aniya ang gampanin ng isang Barangay Nutrition Scholar tulad ni Gng. Quimay sa mga kanayunan lalo na sa mga liblib na lugar. Sila mismo ang nagtuturo sa mga magulang at kabataan ng kahalagahan ng wastong nutrisyon, kalusugan at karunungan para makamit ang maginhawang buhay at malayo sa pagkakasakit at piligro.
Dagdag pa, ni Bb. Paladan, hindi kailangan ng mamahaling pagkain upang makamit ang wastong nutrisyon. Sa katunayan, mas magandang kainin ang mga bagong aning prutas, gulay, legumbre, butil at lamang ugat dahil sagana ito sa mga sustansiyang kailangan ng katawan.
Joel Marquez – EBC Correspondent, Palawan