URDANETA CITY, Pangasinan (Eagle News) – “Moral and Spiritual Enhancement Program, Family Outreach & After Care Program at Feeding Program” ang isinagawa ng mga miyembro ng Iglesia Ni Cristo sa Urdaneta District Jail, Brgy. Anonas, Urdaneta City, Pangasinan kamakailan.
Magkatuwang itong isinagawa ng mga pamunuan ng Urdaneta District Jail sa pangunguna ni Jail Chief Inspector Roque Constantino Sison III at ng mga INC Church officers ng Urdaneta City.
Itinuro sa mga inmate kasama ang kanilang pamilya ang iba’t-ibang aspeto kung ano ang mga makakaimpluwensya sa tao bilang isang mabuting mamamayan. Kabilang na ang pangunahing bumubuo sa ating lipunan, ang pamilya. Itinuro rin ang kahalagahan ng spiritual needs and moral needs ng isang tao. Ang resource speaker ng nasabing aktibidad ay si Bro. Levi Castro, ministro ng Ebanghelyo.
Nagpapasalamat naman ang mga inmate kasama na ang kani-kaniyang pamilya sa ibinigay na pagkakataon sa kanila. Ayon sa isang dating inmate na bagong laya lamang ay lubos ang kaniyang pagpapasalamat sa INC. Dahil aniya ay nabigyan siya ng pagkakataon para maipakita na siya ay ganap nang nagbagong-buhay sa pamamagitan ng pagkakaloob sa kaniya ng trabaho. Malaking tulong aniya ito para sa kaniyang pamilya.
Rusell Failano – EBC Correspondent, Urdaneta City, Pangasinan