Mega Drug Abuse Treatment and Rehabilitation Center sa Nueva Ecija pinasinayaan ni Pangulong Duterte

80f37507-fc38-499b-aa85-11b554254ced
PALAYAN CITY, Nueva Ecija (Eagle News) – Pinangunahan ni Pangulong Rodrigo R. Duterte ang inagurasyon ng Phase 1 ng Mega Drug Abuse Treatment and Rehabilitation Center (DATRC) sa Fort Magsaysay, Palayan City, Nueva Ecija kamakailan. May kabuuan itong 10,000 bed capacity kasama na dito ang Phase 1 na may 2,500 bed capacity.
Ang pagpapatayo nito ay naisakatuparan sa pamamagitan ng Task Force na pinangunahan ng Department of Interior and Local Government (DILG). Ang Task Force ay inatasan sa pamamagitan ng President’s Executive Order No. 4 na humanap ng makakatuwang sa pagpapatayo ng mga ganitong uri ng pasilidad sa buong bansa.
Sa kasalukuyan ay mayroon lamang 44 na public at private DATRC sa buong bansa na kayang tumanggap ng may 10,000 in-patients lamang. Dahil sa all-out war against illegal drugs ng administrasyong Duterte, mayroon ng 800,000 drug personality ang sumuko sa iba’t ibang sangay ng lokal na pamahalaan at mga law enforcement units. Ang mga ito ay kailangang sumailalim sa rehabilitation para maalis sa pagiging drug dependent at lubusan ng makapagbagong buhay at maging mabuting mamamayan.
Sa ilalim ng proyekto ng Mega DATRC, ang Department of National Defense ay nagkaloob ng lupa sa loob ng kaniyang military camp. Ang Department of Health naman ang mag-o-operate at mag-ma-manage nito ayon sa hinihingi ng batas.
Eman Celestino – EBC Correspondent, Nueva Ecija

(Photo courtesy of PIA Nueva Ecija)