12 establisimyento, PNP sub-station nasunog sa Oriental Mindoro

5a86090c-c0c8-42fb-aa38-757a0fe1fc47

ROXAS, Oriental Mindoro (Eagle News) – Nasunog ang 12 establisimyento at nadamay pa ang isang  sub-station ng Philippine National Police sa Morente Ave., Bagumbayan, Roxas, Oriental Mindoro. Nagsimula ang nasabing sunog bandang alas 2:30 na madaling araw nitong Biyernes, Disyembre 2.

Ayon kay FO3 Querube G. Peradilla ng Bureau of Fire Protection, umabot sa ika-apat na alarma ang nasabing sunog. Kaya kinailangan pa ang tulong ng mga pamatay sunog mula sa Mansalay, Bongabong at Bansud na mga kalapit bayan ng Roxas.

Idineklarang fire under control ang sunog bandang 4:00 ng umaga hanggang sa tuluyang maapula na sa ganap na 4:30 ng umaga. Tinatayang nasa humigit kumulang P1 milyon ang halaga ng mga nasunog na ari-arian.

Patuloy pa rin inaalam ang sanhi ng nasabing sunog.

Lester Rigor, Rommel Medaflor at Reuben Real – EBC Correspondents, Oriental Mindoro