60 estudyante tumanggap ng sertipiko bilang pagtatapos sa DARE Program

fdabeca4-1d24-4dfa-a92f-6caa58bb638a
Ang ilan sa mga mag-aaral na nakatapos sa ilalim ng DARE Program.

TAYUG, Pangasinan (Eagle News) – Nakatapos na ang 60 estudyante ng Agno Elementary School sa kanilang Drug Abuse Resistance Education (DARE) Program sa Brgy. Agno Tayug, Pangasinan. Tumanggap ng sertipiko ang mga Grade 5 at Grade 6 na mag-aaral ng nasabing paaralan bilang katunayan ng kanilang pagtatapos.

Ang DARE ay programa  sa ilalim ng Philippine National Police (PNP). Nagsimula ito noong October 5 at natapos noong December 9. Layunin ng DARE Program na maipaalam sa mga kabataan ang masamang dulot ng alak, sigarilyo at droga sa katawan at para na rin maturuan ang mga bata na maiwasan ang karahasan.

Si Police Chief Inspector Marcos Anod ang guest speaker ng programa. Sa kaniyang mensahe sa mga nagtapos, habang bata pa aniya ay malaman na ang masamang maidudulot ng droga upang hindi ito maging hadlang sa pagkamit ng kanilang mga pangarap. Habang bata pa aniya ay mailihis na sila sa mga masasamang bisyo.

Ang nasabing programa ay nakapagbigay naman ng positibong reaksyon sa mga magulang dahil naturuan anila ang kanilang mga anak sa masamng epekto at bunga ng droga sa katawan ng tao at sa pamilya.

Ayon pa sa kapulisan napili nila ang Agno Elementary School na pagsagawaan ng nasabing programa dahil isa ang barangay na ito sa bilang maraming drug surrenderee.

Juvy Barraca – EBC Correspondent, Tayug, Pangasinan