Iwas paputok campaign, mas pinalakas bago ang new year countdown

MANILA, Philippines (Eagle News) — Ilang oras bago pumasok ang taong 2017 mas pinaigting pa ng Department Of Health (DOH) ang kampanya nito para sa ligtas na pagsalubong sa bagong taon.

Muling ipina-alala ni health secretary Paulyn Jean Rosell-Ubial ang pagtataas ng code white alert noon pang isang linggo na nangangahulugang full force ang mga doktor at medical staff sa lahat ng mga government hospital.

Sa kanilang pag-iikot sa mga ospital, pinayuhan din nito ang mga magulang o guardian na huwag papayagang magpaputok ang mga bata.

Sa halip, hinikayat niya na gumamit na lamang ng torotot, busina ng sasakyan at magpatugtog ng malakas na musika sa pagsalubong sa bagong taon..

Sinabi naman ni health spokesman Dr. Eric Tayag na kailangang may alam sa first aid ang sinuman para sa mga biktima ng paputok..

Aniya, kailangang itapat sa gripo ang sugat mula sa paputok para maalis ang dumi at gunpowder…na tatagal ng lima hanggang sampung minuto at saka patuyuin…

Binigyang diin ni Dr. Tayag na  hindi dapat gumamit ng toothpaste sa pag-gagamot ng fire cracker wounds dahil lalo lamang maiimpeksyon ang sugat.

Mas mainam din aniyang magkaroon na lang ng fireworks display sa mga komunidad kaysa gumamit ng paputok.