QUEZON CITY, Philippines (Eagle News) — Kasabay ng paggunita sa ika-92 kaarawan ng dating Tagapamahalang Pangkalahatan ng Iglesia Ni Cristo na si Kapatid na Eraño G. Manalo ay inilunsad noong Lunes (Enero 2), ang ‘International Evangelical Mission’ kung saan sabay-sabay na isinagawa ang Pamamahayag ng mga Salita ng Diyos sa bawat distrito at lokal sa buong mundo.
Ang pagkakataong ito ay matagal na pinaghandaan ng mga kapatid sa INC sa pamamagitan ng mga gabi-gabing pagpapanata.
Ilang araw bago sumapit ang Enero 2 ay naging puspusan ang pag-iikot ng mga kapatid sa bawat sulok ng kanilang komunidad, bitbit ang mga Polyeto at Pasugo na kanilang iniaabot sa bawat madaraanan nila upang makapag-imbita ng mga panauhing makikinig sa Pamamahayag.
Sinimulan ang Pamamahayag sa ganap na ika-8 ng gabi sa gusaling sambahan ng Pasong Tamo, Distrito ng Central, sa pangunguna ni Kapatid na Romer D. Galang, ang Tagapangasiwa ng Distrito. Ang mga panauhin ay tinuruan tungkol sa kahalagahan ng pag-anib sa Iglesia Ni Cristo sa mga huling araw, at kung paano nila matatamo ang kaligtasan pagdating ng araw ng paghuhukom.
Sa pagtatapos ng isinagawang Pamamahayag ay nagpasalamat ang Pastor ng Lokal, ang Kapatid na Benjamin A. Licmuan sa mga naging panauhin at patuloy na hinikayat ang mga ito sa patuloy na pakikinig at pagsusuri sa mga aral sa loob ng Iglesia Ni Cristo.
Halos umapaw na ang loob ng kapilya, maging ang extension nito sa dami ng mga bisitang dumalo. Ang katunayan nito, nagsimula na ang pagtuturo ng mga Salita ng Diyos ay may mga panauhin pa ring dumarating upang humabol sa pakikinig. Ang ibang naging panauhin ay mga pamunuan ng Barangay at ang iba naman ay mga kamag-anak at malalapit na kaibigan ng mga kapatid sa INC.
Ang ilan sa mga panauhing dumalo ay agad na nagpahayag ng kanilang pagnanais na makapagpatuloy sa ginagawa nilang pakikinig at pagdalo sa mga pagsamba ng INC.
“Ako po ay naimbitahan minsan ng aking kapitbahay na makinig sa Iglesia Ni Cristo, siya po ay aking pinagbigyan at sinabi ko sa kanya na isang beses lang ako dadalo. Ngunit napansin ko po simula nung una akong nakinig ay parang dumarami pa po lalo ang mga tanong sa aking isipan at parang unti-unti rin itong nasasagot sa pamamagitan ng mga talata sa Biblia. Hindi ko po maipaliwanag ang nararamdaman ko pero parang mas nahahatak pa ako na lalo pang magsuri at sumama sa mga pagsamba,” pahayag ng isang panauhin na kasalukuyang nasa uring dinu-doktrinahan.
Tuloy-tuloy pa rin ang isinasagawang Pamamahayag sa Kapilya at sa bawat dako ng gawain sa Lokal ng Pasong Tamo tuwing Lunes, Martes at Biyernes sa pangunguna ng Pastor ng Lokal at katuwang nitong mga Manggagawa.
(Photos are courtesy of Bro. Kenneth Cruz and Bro. Mar Maniego)