Nahuling malaking pawikan ibinalik na sa dagat

ORMOC CITY, Leyte (Eagle News) – Isang malaking pawikan o sea turtle ang aksidenteng nahuli ng isang mangingisda, na si Jerry Torres noong madaling araw ng Huwebes, January 26 sa baybayin ng Ormoc City, Leyte. Ayon sa salaysay ni Jerry, bigla aniyang sumabit ang pawikan sa kaniyang lambat kaya ito nahuli. Agad naman niya itong dinala sa Bureau of Fisheries & Aquatic Resources (BFAR).

Ayon kay Irish Belmonte, staff ng BFAR-Ormoc, ang nasabing pawikan ay maituturing na endangered na dahil mayroon na itong bigat na humigit kumulang sa 40 kilo at isa itong lalaki. Napansin din na may crack ang shell ng pawikan na ayon sa taga-fisheries possibleng mayroong nag-alaga sa  pawikan dahil ang bahagi na may crack ay may bakat ng tali.

Ang nasabing pawikan ay ibinalik na sa dagat kahapon ng bandang 10:00 ng umaga sa pangunguna ni Ormoc City Mayor Richard Gomez at ng mga kinatawan ng BFAR. Mula ng maupo bilang alkalde ng Ormoc City si Gomez ay ikalawang pawikan na ito na naibinalik sa dagat.

(Kimberly Urboda – EBC Correspondent, Ormoc City, Leyte)