Fire Fighting Seminar ng SCAN International pinangunahan ng BFP

MAKATI CITY (Eagle News) – Nagsagawa ng Actual Fire Fighting Seminar ang mga miyembro ng Society of Communicators and Networkers (SCAN) International noong Sabado, February 4. Isinagawa ito sa Makati Central Fire Station, Makati City sa pangunguna ng Bureau of Fire Protection (BFP). Ang nasabing seminar ay bahagi ng nalalapit na Fire Prevention Month sa darating na Marso.

Ayon kay Ginoong Jerry Cura, chairman ng SCAN, Metro Manila South chapter, ang nasabing seminar ay paghahanda hindi lamang sa darating na Marso kundi upang maging alerto sa kabuuan ng taon. Naging bahagi ng seminar ang ilang fire fighting basics tulad ng hose set-up and rolls. Naranasan ng mga miyembro ng SCAN ang aktuwal na pagbuga ng tubig mula sa hose.

Ayon kay SF01 Edwin Manalo, isa sa mga organizer ng seminar, magiging malaking tulong ang mga miyembro ng SCAN lalo na sa mga immediate fire responses, crowd control at maging sa mga fire truck routing kapag mayroong mga insidente ng sunog. Ang mga natutuhan nila sa mga ganitong seminars ay makatutulong sa BFP upang mas madaling maapula ang sunog.

Em dela Cruz – EBC Correspondent, Metro Manila