Dalawang vintage bomb nahukay sa San Miguel, Surigao del Sur

SAN MIGUEL, Surigao (Eagle News) – Aksidenteng nahukay ang dalawang vintage bomb habang naglilinis ang ilang mga personnel ng Motorpool sa Lokal na Pamahalaan ng San Miguel, Surigao del Sur. Ang motorpool ay katabi lamang halos ng mismong Municipal building ng nasabing bayan.

Ayon sa nakakita, habang naghuhukay aniya siya gamit ang pala para sa pagtatapunan ng mga basura ay napansin niyang may bakal siyang natamaan. Kaagad aniya niya itong hinukay gamit ang kaniyang mga kamay. Unti-unting tumambad sa kaniya ang dalawang piraso ng vintage bomb na halos nasa walong pulgada ang haba.

Kaagad niya itong ipinarating sa mga awtoridad na kaagad din namang rumisponde sa lugar. Ang natagpuang bomba ay pansamantalang nasa kustodiya  ng Municipal Police Station. Hinihintay din ang request mula sa explosive ordinance device expert.

Sa kasalukuyan ay inaalam pa ng awtoridad kung may mga vintage bomb pa na maaring naroroon sa nasabing lugar.

Dennis Revelo & Lex Egot – EBC Correspondents, Surigao del Sur