53 ‘rogue cops’ nasa Basilan na

By Mar Gabriel
Eagle News Service

MANILA, Philippines (Eagle News) — Limampu’t tatlo (53) lamang sa mahigit dalawang daang (200) pasaway na pulis na ipinadedestino ng Pangulo sa Mindanao ang sumipot nitong Martes, Pebrero 21, sa Villamor Airbase.

Apatnapu (40) sa mga pulis ang sadyang hindi isinama sa biyahe dahil sa mga kaso na hinahawakan nila rito sa Maynila.

Karamihan sa kanila walang malinaw na dahilan kung bakit ayaw sumunod sa utos ng Pangulo.

“It only shows what kind of, estado ng mga ito, hindi ang leadership ang may problema. Kaya nga natin tinitingnan kung sino ang mga ito, kailangan natin alisin sa serbisyo, naglilinis tayo ng hanay, ng organisasyon. Yung mga ugali na nakikita natin, that only shows, that they are digging their own grave or exit from the service,” pahayag ni Senior Supt. Dionardo Carlos, PNP Spokesperson

Bandang alas sais y medya ng umaga (6:30am) umalis ang C130 sakay ang mga pulis patungong Zamboanga City kung saan sila susunduin para ibyahe sa Basilan.

Ayon sa PNP, idineklara nang AWOL sa serbisyo ang mga hindi sumipot na pulis.

Mahaharap din umano sila sa karagdagang kasong administratibo dahil sa hindi pagsunod sa utos ng kanilang Commander in Chief.

“May listahan na tayo eh, kung sino itong hindi pumunta, di kayo sumunod, di kayo sumama, sabi ng NCRPO they will file admin charge of AWOL. Pag umabot ng sampung araw na hindi nagre-report ida-drop from rolls sila, bibigyan sila agad ng notice ng return to work. If they don’t do that, then ang medyo mabigat dyan defiance to the order of the Commander in Chief. It’s not an ordinary order,” ayon pa kay Carlos.

Pinabulaanan naman ng PNP ang akusasyon na pinalitan ang pangalan ng ilang pulis dahil sa may padrino raw ang mga ito.

Sa harap nito, hinamon ni Carlos ang mga umaangal na pulis na humarap sa PNP Grievance Committee para duon idulog ang kanilang reklamo at hindi sa media o sa social media.

“’Sir, napag-initan lang ako.’ Paano ka napag-initan eh 11 beses ka na palaging late, hindi ka nagbabago, recidivism na yan. Yan yung maliliit ngunit paulit-ulit. Yun ang ibang kini-claim. So let’s bring it to the grievance committee, go through the process of the review, mabibigay ang tamang disposition sa kanila,” dagdag pa ni Carlos.

Samantala, maaari pa naman daw humabol sa Basilan ang mga pulis na hindi nagreport ngunit dapat ay katanggap-tanggap ang dahilan ng mga ito.