ROXAS, Palawan (Eagle News) – Pormal nang inilunsad sa Roxas, Palawan ang programa nitong tutulong sa drug surrenderees ng Oplan Tokhang, Upang sila ay makapagbagong buhay at maging maayos at produktibo ang kanilang pamumuhay.
Tinalakay ni Palawan CELP Team Leader Ms. Ma. Teresa Acda ang mga nakapaloob sa programang ilulunsad. Ipinaliwanag din kung ano ang magiging bahagi ng bawat sektor ng mga komunidad para sa recovery process ng drug surrenderees. Pagkatapos na maipaliwanag ang lahat ni Acda ay nilagdaan na ang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng mga kinatawan ng CELP at ng lokal na opisyal ng Roxas.
Ayon naman kay Atty. Mata, Guest speaker ng nasabing aktibidad, dapat na mabigyan ng pagkakataon ang mga matatapang na drug surrenderees nang patas na pagtrato sa lipunan. Sapat na proseso sa pagbibigay ng lunas upang ganap na nilang talikuran ang pagkalulong sa droga. Para na rin sa maayos at payapang komunidad sa buong lalawigan. Tinalakay din niya ang mga obligasyon at magiging partisipasyon ng Pamahalaang Panlalawigan, Pamahalaang Bayan at maging ng bawat Barangay sa paglulunsad ng nasabing programa.
Batay sa pinakahuling tala ay umabot sa 178 ang drug surrenderees sa bayan ng Roxas at pumasa na sa isinagawang evaluation para sumailalim sa programa ng CELP. Ito ay upang matulungan sila na mapasailalim sa isang therapy at treatment.
Ang paglagda ng MOA ay sinaksihan ng matataas na opisyal ng lalawigan sa pangunguna ni Palawan Vice-Governor Victorino Dennis Socrates. Dumalo rin sina Board Members Leoncio Ola at Cherry Pie Acosta, Opisyal ng Philippine Marines, PNP Provincials, PNP Roxas, Coastguards, Religious Pastors, at mga buong sangay ng LGU’s. Naroon din ang mga mamamahayag na mula sa iba’t ibang himpilan ng Palawan.
Anne Ramos – EBC Correspondent, Palawan