(Eagle News) — Sa mahigit 1,800 na sasakyan na involve sa Rent-Sangla scam nasa 604 na ang narecover ng Philippine National-Highway Patrol Group (PNP-HPG).
264 dito ang naisauli na sa mga may-ari matapos makapagbigay ng mga dokumento habang 340 pa ang patuloy na sumasailalim sa proseso.
Pero ayon sa HPG, posible raw na sa bangko na lang nila isauli ang mga natitirang sasakyan.
Ayon daw kasi sa bangko, lumabas sa kanilang mortgage agreement ang mga may-ari ng sasakyan.
Sa ilalim kasi ng kasunduan, mahigpit na ipinagbabawal ang pagpaparenta at pagsasangla ng sasakyan hangga’t hindi pa ito tapos na bayaran
Sa ngayon, patuloy na hinihintay ng HPG ang warrant of arrest laban sa mga pangunahing suspek na sinampahan ng kasong large scale estafa sa Department of Justice (DOJ).
Mga suspek, patuloy na imomonitor
Habang wala pa, patuloy ang kanilang pagmomonitor sa mga suspek.
Patuloy naman na iniimbestigahan ng HPG ang posibleng kaugnayan ng ilang taga bangko sa mga suspek.
Noong nakaraang linggo nakipagpulong umano sila sa Bank Security Manager Association of the Philippines para tukuyin kung sinu-sino sa mga tauhan nila ang may nagawang iregularidad at posibleng sangkot sa scam.