DND, planong magtayo ng istruktura sa Benham Rise

(Eagle News) — Plano ng Department of National Defense (DND) na maglagay ng istraktura sa Benham Rise na magsasabing ito’y pag-aari ng Pilipinas.

Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, ito ang nakikita nyang hakbang matapos ma-monitor ang pag-aligid umano roon ng Survey Ship ng China.

Inatasan na rin umano sila ni Pangulong Rodrigo Duterte na magdagdag ng mga magpapatrolya sa nasabing karagatan para maipakita na sakop ito ng teritoryo ng Pilipinas.

‘Di pag-aari ng PHL ang Benham Rise plateau

Pero buwelta ng China, hindi pag-aari ng Pilipinas ang rehiyon…

Ito’y sa kabila ng naunang desisyon ng United Nations Commission on the Limits of the Continental Shelf noong 2012 na nagsabing bahagi ng continental shelf ng Pilipinas ang naturang lugar.

Ayon kay Chinese Foreign Ministry Spokesperson Geng Shuang, bagama’t sinabi ng UN na maaaring makapagsagawa ng exploration at development ng natural resources ang Pilipinas sa Benham Rise Plateau, hindi naman nangangahulugan na teritoryo na ito ng Pilipinas.

Isinasaad ng international law, kabilang na rito ang UN Convention on the Laws of the Sea (UNCLOS) na hindi naaapektuhan ng isang coastal state ang karapatan nito sa continental shelf at ang paligid nito at maging ang kanyang air space.

Hindi rin aniya apektado ang karapatan ng naturang bansa sakaling magsagawa ng ‘innocent passage’ sa naturang lugar sa ilalim ng international law.

Pangulong Duterte sa China: let us not fight ownership or sovereignty at this time 

Pero ayon kay Pangulong Duterte, nauunawaan nito ang China pero hindi rin umano dapat nilang angkinin kung ano ang paniniwala rin ng Pilipinas na pag-aari  nito.

Ayaw umano ng pangulo na makaipag- away pa sa China.

Naniniwala rin ang pangulo na hindi na uulitin pa ng China ang ginawa nitong reklamasyon sa ilang bahagi ng South China Sea kung saan nagtayo ng mga artispisyal na isla.

Pamahalaan, handang magpadala ng mga tauhan ng navy sa Benham Rise

Pero kung kakailanganin aniya ay nakahanda rin ang Pangulo na magpadala ng mga navy sa lugar.

Ang Benham Rise ay isang aktibong undersea region na matatagpuan sa silangang bahagi ng Luzon na may lawak na 13 milyong ektarya.

Sinasabing hitik rin ito sa likas na yaman.

Eagle News Service