Justice Secretary Aguirre: May nagpopondo kay Lascanas

 

Ni Erwin Temperante

Eagle News Service

Naniniwala si Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na mayroong nagpopondo kay Arthur Lascanas, ang retiradong pulis na bumaliktad sa kanyang unang pahayag na walang kinalaman si Pangulong Rodrigo Duterte  sa diumanong Davao Death Squad.

Ginawa ng kalihim ang pahayag ilang araw matapos umalis si Lascanas patungong Singapore.

Ayon sa Bureau of Immigration, planong bumalik ng retiradong pulis sa Pilipinas sa ika-22 ng Abril.

Ayon kay Aguirre, dahil sa pag-amin ni Lascanas na mayroon siyang pinatay bilang miyembro ng sinasabing DDS sa harap ng Senado, maituturing siyang isang kriminal.

Sinoman na kumakalinga sa isang kriminal, aniya, ay maaaring kasuhan.

Dagdag pa ni Aguirre, hindi totoo ang sinasabi ni Lascanas na kaya siya umalis ng Pilipinas ay dahil may banta sa kanyang buhay.

Ang totoo, ayon kay Aguirre, ay takot lamang ang retiradong pulis na maasunto siya sa pag-amin niya sa kanyang ginawa.

Dagdag pa ni Aguirre, natatakot din ang handler ni Lascanas na mawalan na siya ng isa pang tetestigo laban Kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Unang tumestigo si Lascanas sa Senado noong Oktubre ng taong nakalipas.

Muli siyang humarap sa Senado at bumaliktad sa kanyang unang pahayag na walang kinalaman si Duterte  sa sinasabing DDS noong Marso ng taong ito.