Eagle News — Batay sa pahayag ni Agriculture Sec. Emmanuel Piñol, ang puti at dilaw na mais na aanihin sa taong ito ay aabot sa walo punto isang milyong metriko tonelada.
Ito umano ang unang beses na maaaring makamit ng bansa ang kasapatan sa mais ng isang daan at dalawampung porsiyento. Sa kabila ito ng naranasang sunod sunod na kalamidad na madalas na nananalasa tulad ng El Niño.
Kaugnay nito, isa namang kilalang kumpanya ng binhi ang naglunsad ng kanilang bagong produkto na makatutulong sa mga ‘corn farmer’ ng bansa upang tumaas ang aning mais na magiging daan naman sa pagtaas ng kita.
Sinasabing ang hybrid na ito ay may mataas na ‘shelling recovery,’ matibay ang halaman at ugat, bukod sa nagtataglay ng de-kalidad na butil na mais.
Ito rin daw ay may malaking maitutulong sa ‘sustainable agriculture at food sufficiency’ lalo na at papalaki ang populasyon ng bansa.
Binigyang diin ni Rachel Lomibao, Country Lead ng Monsanto sa Pilipinas na maselan ang papel na ginagampanan ng sektor ng agrikultura sa pang araw araw na buhay ng tao at lalo na sa panig ng mga magsasaka.
Kailangan umano na iwan na ang makalumang paraan ng pagsasaka at sa halip ay isulong ang makabagong teknolohiya na magpapaunlad sa buhay ng mga magsasaka.