(Eagle News) — Isinailalaim na sa state of calamity ang munisipalidad ng Carmen sa Cebu matapos ang malawakang pagbaha nitong weekend.
Sinabi ng Cebu Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, sampu na ang namatay dahil sa pagbaha, walo sa mga ito ay naitala sa bayan ng Carmen.
Higit pitumpung pamilya ang nawalan ng tirahan at sampung libong indibidwal ang inilikas.
Dahilan ng pagbaha ang pag-apaw ng ilog sa barangay Poblacion, dulot ng pag-ulan dahil sa low pressure area (LPA).
Iginiit ng Local Disaster Risk Reduction and Management Office na naiwasan sana ng mga insidente ang pagkalunod kung sapat ang advisory ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) at agad na nagpatupad ng paglilikas sa mga residente.
Naitala naman ng Pagasa-Cebu ang 62.8 millimeters na ulan sa loob ng tatlong oras.
Patuloy na nagpapaabot ng relief efforts ang lokal na pamahalaan.