DOLORES, Abra (Eagle News) – Nasa 209 na mga Abreniong magsasaka ng tabako ang nagtipun-tipon sa Dolores Civic Center upang tanggapin ang kanilang tseke na nagkakahalaga ng 2,000 pesos. Ito ay parte ng Curing Burn Assistance Program ng National Tobacco Administration sa pangunguna ni Dr. Robert Seares. Ang nasabing tulong ay para sa mga nasalanta ang mga pugon (curing barn) noong kasagsagan ng super typhoon Lawin.
Ito na ang ikalawang cash assistance distribution na isinagawa ng NTA para sa mga magsasaka ng tabako ng Abra mula ng naupo bilang Administrador si Dr Robert Seares noong Pebrero. Noong Pebrero 22, namigay din ang NTA ng educational assistance para sa mga anak ng magsaska ng tabako sa Abra.
Ayon kay Dr. Seares, maaari pang mag-apply ang mga magsasaka ng loan na nagkakahalaga ng 20,000 pesos sa ilalim ng CBAP. Ang 10,000 lamang ang kailangan nilang bayaran sa halagang ito. Ang kalahati ay karagdagang tulong na rin ng NTA.
Si Dr. Robert Seares, ang pinakaunang Administrator ng NTA na mula sa Abra kung kaya’t hinimok niya ang mga magsasakang Abrenio na palaguin pa ang kanilang mga pananim. Nakahanda aniyang siyang tumulong sa kanila.
Nagpapasalamat naman ang mga nakatanggap ng tulong. Gagamitin anila ito sa pagpapakumpuni ng mga nasirang parte ng kanilang pugon. Ang iba naman ay naayos na ang kanilang mga pugon kung kaya’t gagamitin na lang nila ang halaga upang pambayad sa inutang sa pagpapaayos nito.
Jason Ryan Celeste at Roger Vargas – EBC Correspondents, Abra
Photo credit: Jason Ryan Celeste