(Eagle News) — Nilinaw ng Commission on Higher Education (CHED) na hindi lahat ng estudyante na papasok sa State Universities and Colleges (SUCS) sa susunod na school year ay makikinabang sa libreng tuition program sa ilalim ng Php 8-billion Higher Education Support Fund (HESF).
Ayon kay CHED Information Officer Menzie Kuengan, nakasaad sa Implementing Rules and Regulations (IRR) ng programa na ang mga maku-qualify ay ang mga academically abled na estudyante sa lahat ng year level.
Binanggit niya na ang mga SUC ang pipili kung sino ang dapat ma-qualify sa libreng tuition fee lalo na’t nakasaad sa IRR na prayoridad ang mga benipisyaryo ng government student financial assistance programs.