ZAMBOANGA CITY, Philippines (Eagle News) – Patay ang isang miyembro ng bandidong grupong Abu Sayyaf na kinilalang si Saad Kiram. Ito ay matapos umanong manlaban sa mga operatiba ng Philippine National Police-Bohol.
Sa impormasyong ibinigay ng Bohol Police Provincial Office si Kiram ay naka-detain sa Bohol BJMP District Jail. Pagkatapos nitong sumailalim sa Tactical Interrogation ay ibiniyahe na ito pabalik sa nasabing jail. Nakiusap di-umano ito sa kaniyang mga escorts na magbawas. Nakahanap anila ito ng pagkakataong makatakas mula sa mga bantay kaya ikinasa kaagad ang manhunt operation.
Pagkalipas ng mahigit dalawang oras ay nasukol si Kiram ng RID7 PIB Bohol PPO sa Brgy. Lourde, Cortez, Bohol na boundary ng Tagbilaran City at Bohol. Dahil madilim ay tinangka umano nitong agawin ang baril ng isang operatiba na nagresulta sa pagkakabaril at pagkakapatay sa kaniya.
Agad naman itong itinakbo sa pinakamalapit na hospital subalit idineklara na itong dead on arrival ng attending physician.
Jun Cronico – EBC Correspondent, Zamboanga City