INDANAN, Sulu (Eagle News) – Mismong si Western Mindanao Commander Gen. Carlito G. Galvez Jr., ang nag-abot ng 1 million pesos na reward money sa isang hindi na pinangalan impormanteng taga-Sulu. Ito ay dahil sa mga impormasyong ibinigay sa mga tropa ng marines nang maglunsad ng opensiba ang Joint Task Force Sulu laban sa notorious na Abu Sayyaf sub-leader Al Habsy Misaya na nagresulta sa pagkapatay kay Misaya sa Barangay Silangkan, Indanan, Sulu.
Sa turn-over ceremony sa WesMinCom Zamboanga City, sinabi ni Gen. Galvez na ang reward money ay nanggaling sa ilang concerned individuals na mula rin sa Sulu na hindi na rin ipinakilala pa. Sila ay tumutulong sa militar sa ganitong paraan para mahimok ang ilan pang taga-Sulu na gawin din ang anomang maitutulong sa opensiba ng militar laban sa mga bandidong grupo.
Nagpaabot din ng pasasalamat sa mga taga-Sulu si Brigadier Gen. Cirilito Sobejana at Col.Antonio Rosario jr.,- commander ng Philippine Marines Ready Force o PMRF.
Ayon naman kay rear admiral Rene Medina -AFP commander ng Naval Forces Western Mindanao na naroon din sa turn over ceremony ay lalo nilang ipagpapatuloy ang kanilang mga pagsisikap hanggang sa mapasuko at matuldukan na ang iligal na aktibidad ng mga bandido.
Si Misaya na isang bomb expert ay sangkot sa mga sunod-sunod na kaso ilan dito ay ang mga sumusunod: Malagutay bombing na kung saan namatay si Sgt. Mark Jackson na isang US serviceman at may 23 sugatan kabilang rin ang isa pang US serviceman, Salaam bridge bombing sa Barangay Bato-bato Indanan, Sulu noong 2009. Kidnapping incident sa isang japanese herbalist at treasure hunter na si Amer Katayama Mamaito noong 2010 sa Pangutaran Sulu, pambobomba sa Dennis Coffee Shop sa Jolo, Sulu noong 2011 kung saan apat na sibilyan ang napatay at labing isa naman ang sugatan. 2012 kidnapping sa dalawang Malaysian sa Sabah at 2014 kidnapping sa isang Pilipina na si Sugar Dianne Esperanza Buenviaje sa Tawi-tawi at kidnapping ng Vietnamese crewmen ng M/V Royal 16 sa bisinidad ng Sibago Island sa Basilan.
Si Misaya ay kinilalang kasunod na potensiyal na lider ng bandidong grupong Abu Sayyaf.
Muling nanawagan si Gen. Galvez sa komunidad na isuplong sa kinauukulan ang pinagtataguan ng bandidong Abu Sayaff.
(Eagle News Correspondent, Jun Cronico)