BORACAY, Aklan (Eagle News) – Umabot na sa 21 bilyong piso ang kinita ng isla ng Boracay sa kanilang tourism receipts. Ito ay sa unang apat na buwan pa lamang ng taong ito.
Ayon sa report ng Aklan Provincial Tourism Office, ang naturang tourism receipts ay nalikom mula sa mga dayuhang bisita at Overseas Filipino Workers (OFWs) na umabot sa mahigit 14 bilyong piso. Samantala ang anim na bilyong piso naman ay galing sa mga local tourist.
Sa tala ng Aklan Provincial Tourism Office, mula Enero hanggang Abril ng taong ito ay mayroon nang mahigit 744,000 tourist arrival ang Boracay. Mas mataas ng 10.84 percent kumpara sa nakalipas na taon sa parehong period na mayroon lamang na mahigit 671,000.
Pinakamarami pa rin sa mga ito ang mga foreign tourist sa bilang na mahigit 364,000. Samantala ang mga lokal na turista ay nakapagtala ng mahigit 360,000 at ang OFW ay mahigit 20,000.
Ang pinakamataas na bilang ng mga turista ay naitala sa buwan ng Abril na may mahigit 233,000 bilang. Ito ay matapos ang long vacation, summer vacation at maging sa pagdiriwang ng La Boracay.
Ruth Saligumba – EBC Correspondent, Aklan