ZAMBOANGA CITY (Eagle News) — Patuloy na nagbabala si Zamboanga City Agriculturist Dr. Diosdado Palacat tungkol sa paghuli, pagbebenta at pagkain ng isdang barracuda dahil sa taglay nitong kemikal na nakalalason sa tao.
Dahil dito, naglilibot ngayon ang mga tauhan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources upang inspeksyunin ang mga ibinebentang isda sa palengke.
Ginawa ito matapos ang isang isolated incident umano, kung saan mayroong namatay na isang pusa pagkatapos makakain ng isda na galing sa bituka ng barracuda.
Susuyurin naman ng mga personnel ng BFAR ang karagatan ng Zamboanga, Basilan at Sulu para imbestigahan kung sino sa mga mangingisda ang gumagamit ng nakalalasong kemikal sa paghuli ng isda.
Ito ay upang matiyak na hindi na maulit pa ang naturang pangyayari. (Eagle News Service, Zamboanga City Correspondent Jun Cronico)