Sandiganbayan, naglabas ng mga warrant laban kay dating Maguindanao Gov. Sajid Ampatuan

Ni Meanne Corvera

Eagle News Service

Naglabas ng tatlong warrant of arrest ang Sandiganbayan laban kay dating Maguindanao Gov. Sajid Ampatuan.

Ito ay kaugnay sa patong patong na kaso ng falsification of public documents, malversation at graft na isinampa laban sa kanya at sa iba pang dating opisyal ng probinsiya kaugnay ng P72.26 milyon na pondo na nakalaan sana sa pagrepair ng mga school building.

Ayon sa prosekusyon, pinalsipika ng mga opisyal noon ng probinsiya sa pangunguna ni Ampatuan ang mga disbursement voucher para sa paglabas ng pondo para sa proyektong ito, at pinagmukha nilang pinambayad ang pera sa apat na lumber companies.

Sa pagsisiyasat ay nalamang wala naman palang ganung klaseng mga kumpanya.

Batay sa inilabas na mga warrant na pirmado ni Justice Rodolfo Ponferrada, chairman ng 6th division, P24,000 ang piyansa sa bawat bilang ng falsification of public documents laban kay Ampatuan.

Mahigit P3.2 milyon kung gayon ang piyansa ng dating gobernador para sa 137 na bilang na isinampa laban sa kaniya.

Apatnapung libong piso naman ang itinakdang piyansa para sa bawat bilang ng malversation of public funds.

Humigit kumulang na P120,000 kung gayon ang piyansa ni Ampatuan para sa apat na bilang ng graft na kaniyang kinakaharap.

Maliban kay Ampatuan ay pinapaaresto rin sina John Estelito Dollosa Jr., Kasam Macapendeg, Osmena Bandila, Norie Unas, Datu Ali Abpi Al Haj, at Landap Guinaid.