SINTANGKAI, Tawi-tawi (Eagle News) – Hindi na nakakuhang tumakas ng isang miyembro ng Abu Sayyaf matapos itong akusahang miyembro ng grupong bandido ng kaniyang kapitbahay sa Tawi-tawi.
Sinabi ni Capt. Joan Petinglay, tagapagsalita ng Autonomous Region in Muslim Mindanao Forces, Western Mindanao Command (Wesmincom), na umamin si Sahidul Jikiri, na inaresto kamakailan sa Sintangkai, na kasama siyang nagpaplano sa kidnapping at cross border sea highjacking ng mga foreign national vessel.
Nasa ilalim diumano siya sa pamumuno ni ASG sub leader Idang Susukan at Sihata Latip, na nag-o-operate sa karagatan ng Sulu at Tawi-tawi.
Ayon kay Petinglay, ang grupo ring ito ay may kaugnayan sa grupo ni Radin Abu at Alden Bagadi, na siyang bumibili ng speedboat mula sa bansang Malaysia upang gamitin sa mga kidnapping activity sa karagatan ng Basilan, Sulu at Tawi-tawi.
Kasalukuyan nang nakapiit si Jikiri, na nahaharap sa mga kasong kriminal.
Pinuri naman ng mga awtoridad ang mga taga-Tawi-tawi sa kabuuan.
Ang mga residente diumano ay aktibong nagpapakita ng suporta sa gobyerno sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon sa posibleng pinagtataguan pa ng mga miyembro ng bandidong grupo.
Jun Cronico – EBC Correspondent, Zamboanga City