LIANGA, Surigao del Sur (Eagle News) – Suspendido na ang permit to carry firearms outside residences (PTCOR) sa Lianga, Surigao del Sur.
Ang tanging pinapayagan lamang na magdala ng mga ito ay ang mga uniformed personnel katulad ng mga pulis at sundalo.
Ito ang isa sa mga napag-usapan sa isinagawang Municipal Peace and Order Council Meeting ng lokal na pamahalaan ng Lianga kaugnay sa idineklarang martial law sa buong Mindanao.
Inuobliga ng mga awtoridad ang pagdadala ng identification (ID) sa lahat ng pumapasok sa lugar.
Mahigpit din ang pagpapatupad ng curfew sa mga menor de edad tuwing sasapit ang 10:00 ng gabi hanggang 4:00 ng madaling araw.
Magiging mahigpit din sila sa gagawing checkpoint, at sa isinasagawang profiling lalo na sa mga bumibyaheng nakamotorsiklo.
Pinaiiwas din ang lahat sa pagpo-post sa mga social media site ng anumang biro o misleading information na magdudulot ng pangamba o maaaring pagsimulan ng kaguluhan.
Patuloy ding ipinakakalat ang listahan ng mga local terrorist group.
Ayon sa mga awtoridad, kung may mga impormasyong nalalaman ay ipagbigay alam agad sa kanila sa ikadarakip ng mga suspek.
Sa kabuuan, sinisikap ng gobyerno ng Lianga na maging normal ang takbo ng kanilang operasyon sa lugar maging ang takbo ng negosyo sa kabila ng idineklarang martial law.
Issay Daylisan – EBC Correspondent, Surigao del Sur