PNP-SOSIA sinimulan na ang imbestigasyon sa Resorts World Manila attack

Eagle News – Sinimulan na ng Philippine National Police ang imbestigasyon sa malagim na pag-atake sa Resorts World Manila noong Biyernes.

Nag-report na sa tanggapan ng PNP Supervisory Office for Security and Investigation Agencies (SOSIA) ang ilang security guard ng Resorts World Manila na naka-duty nang mangyari ang insidente.

Ipinatawag sila ng SOSIA para sumailalim sa hiwalay na imbestigasyon kaugnay ng posibleng kapabayaan o security lapses sa naging pag-atake ni Jessie Carlos.

Malaking tanong pa rin sa SOSIA kung bakit hindi napigilan ng mga security guard ang pagpasok ng suspek na may dalang baril at gasolina.

Kasama sa mga ipinatawag ang lady guard ng NC Lanting Security Agency na si Mary Grace Rayala.

Siya ang gwardya na naka-duty sa metal detector na nakita sa closed-circuit television camera na nilampasan ng suspek.

Isa sa mga tanong sa kaniya ng SOSIA ay “kung bakit hindi siya nakauniporme nang mga oras na iyon.”

Ayon sa SOSIA, pinapayagan naman daw ang hindi pagsusuot ng uniporme pero kailangan daw na ipagpaalam muna ito ng agency sa kanila dahil maaari itong makaapekto sa seguridad.

Dumating din sa SOSIA ang security guard na si Edwin Ciriaco ng NC Lanting na siyang roving guard nang mangyari ang insidente.

Ayon sa kaniya, nakaharap niya ang suspek pero hindi niya ito nagawang paputukan.

Aniya natakot siya kasi maraming tao ang naroonat baka madamay sila.

Bubusisiin din ng SOSIA kung may security plan ang mga security service provider ng Resorts World Manila at kung naipatupad ba ito.

Kung mapapatunayan na may kapabayaan ay posible raw na pagmultahin ang security agency ng Php 50,000 o di kaya ay kanselahin ang kanilang lisensya kasama ang lisensya ng mga security guard nito.

Mar Gabriel – Eagle News Reporter