LINGAYEN, Pangasinan (Eagle News) — Pinag-iingat ng Provincial Health Office ang publiko matapos maitala ang mataas na kaso ng acute gastroenteritis sa lalawigan ng Pangasinan.
Ayon sa PHO, umabot na sa mahigit 5,000 ang naitalang kaso ng acute gastroenteritis doon.
Ayon din sa PHO ay nasa 19 na ang nasawi dahil sa nasabing sakit.
Karamihan sa mga biktima ay edad 5 taon pababa.
Nanawagan ang PHO sa publiko na ugaliin ang paghuhugas ng kamay bago at pagkatapos kumain.
Tiyakin din aniyang malinis at hindi kontaminado ang iniinom na tubig at pagkain.
Kadalasang sanhi umano ng gastroenteritis ay mishandling sa paghahanda ng pagkain o food contamination at maruming tubig.
Ang karaniwang sintomas nito ay ang pagkakaroon ng diarrhea, pananakit ng tiyan, pagsusuka, pananakit ng ulo at pagkakaron ng lagnat.
Nagpayo na rin ang PHO sa publiko na ugaliin ang paglilinis sa kapaligiran upang maiwasan ang sakit na dengue na dala ng lamok.