200 katao, nasa arrest order na ipinalabas ni Defense Secretary Lorenzana

Eagle News – Aabot sa 200 pulitiko at iba pang personalidad ang kasama sa arrest order na ipinalabas ni Defense Secretary at Martial Law Administrator Delfin Lorenzana kamakailan.

Ayon kay Armed Forces of the Philippines Chief of Staff at Martial Law Implementor General Eduardo Año, kasama rin sa listahan ang ilang barangay Officials.

Paliwanag ni Año, dawit sa rebelyon ang mga personalidad na nasa arrest order dahil sa pagsuporta sa grupong Maute na ngayon ay pasimuno ng kaguluhan sa Marawi City.

Gayunman, tumanggi si Año na isapubliko ang pangalan ng mga ito.

Matatandaang kamakailan lamang, naaresto sina Cayamora Maute, ang ama ng magkapatid na Abdullah at Omar Maute pati na si dating Marawi Mayor Fajad Salic dahil sa pagbibigay ng suporta sa local terrorist group.

Kasama sila sa unang arrest order na ipinalabas ni Lorenzana.