NUEVA ECIJA (Eagle News) — Nasa pitong bayan sa lalawigan ng Nueva Ecija ang maaapektuhan ng 11 oras na pagkawala ng supply ng kuryente bukas, araw ng Huwebes, Hunyo 15.
Ayon kay National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) Regional Corporate Communications Officer Ernest Lorenz Vidal, magkakaroon ng power interruptions o asahang mawawalan ng kuryente dakong ala-siyete ng umaga na magtatagal hanggang ala-sais ng hapon.
Ito ay dahil aniya sa mga pagsasaayos na isasagawa sa mga linya ng kuryente gaya ang pagpapalit ng mga lumang poste, insulators at cross arms sa bahagi ng Cabanatuan-Baler 69 kV line at ng Cabanatuan Substation bilang bahagi ng preventive maintenance.
Ayon sa Nueva Ecija II Electric Cooperative Area 1 at 2, kabilang sa mga maaapektuhan ay ang buong bayan ng Bongabon, Laur, Gabaldon, Rizal, General Natividad, Talavera at ang ilang bahagi sa bayan ng Sto. Domingo.
Ipinahayag pa ni Vidal na kung ang pagsasaayos ay matapos ng mas maaga sa schedule ay maaaring magkaroon na agad ng kuryente nang mas maaga.
(Emmanuel Ingosan, Jonielyn Ingosan, Ynad Pascual – Eagle News Correspondents)