Supplier ng baril ng Maute group, natunton ng PNP

LIPA CITY, Batangas (Eagle News) — Natunton ng mga awtoridad ang nagsu-supply ng baril sa Maute Terror Group sa Marawi City.

Ayon kay Philippine National Police Chief Director General Ronald Dela Rosa, naaresto na nila ang lider ng grupo na si Rommel Litan, at ang mga miyembrong sina Rommel Quinones, Angelo Magcamit, at Rey Quinones.

Base sa record ng Philippine National Police-Criminal Investigation Detection Group, mula December 2015, aabot na sa 671 na mga imitation ng high-powered firearms ang naibenta ng grupo.

Karaniwan aniyang ibinibiyahe ang mga baril patungo sa Mindanao region gamit ang roll-on, roll-off vessels.

Sinasabing mga pulitiko, mga pulis, sundalo at iba pang elementong kriminal sa Mindanao region ang naging customer ng grupo.

Tumanggi si Dela Rosa na tukuyin ang mga pulitikong naging customer ng grupo.

Kinasuhan na sa Department of Justice ang mga naarestong suspek.