DIPOLOG CITY, Zamboanga del Norte (Eagle News) – Hindi totoo ang nireport na pagdukot sa isang negosyante sa Dipolog kamakailan.
Ayon kay Supt. Lito Laurio Andaya, si Deogracias Orguillas Recososa, may-ari ng isang tindahan sa Brgy. Galas, sa halip ay nasasangkot sa tinatawag na “kidnap-me” case.
Si Rosa Monera Wong ang nagreport sa pulisya na nadukot si Recososa ng pitong kalalakihan na lulan ang isang itim na van sa Galas, ala-una ng hapon noong ika-2 ng Hulyo.
Ang impormasyon ay nakuha umano ni Wong mula mismo kay Recososa, na tumawag sa kaniya.
Sa isa nilang pag-uusap ay sinabi umano ni Recososa na nasa Malabang, Lanao del Sur na ito, kasama ang dalawa pang hindi nakikilalang biktima.
Sinabi pa umano nito na isang nagngangalang “Ahmad” ang leader ng naturang grupo na humihingi ng Php200,000 na bumaba sa Php8,000 kapalit ng kanyang paglaya.
Ayon kay Wong, sinabi ni Recososa na pinakawalan na siya sa terminal ng Pagadian City pagkatapos maihulog ang nasabing pera.
Ayon kay Andaya, base sa kanilang isinagawang imbestigasyon, hindi na tumutugma ang mga sinasabi ng biktima sa mga nauna nitong pahayag.
Wala rin umanong ebidensiya, base sa footage mula sa mga closed-circuit television camera sa lugar, na may itim na van na lumapit kay Recososa, at na bumili siya sa isang bakeshop sa lugar bago siya makidnap.
Lady Mae Reluya – Eagle news Correspondent, Zamboanga del Norte