Mga turistang bumisita sa isla ng Boracay nitong taon, umabot na sa halos isang milyon

KALIBO, Aklan (Eagle News) – Umabot na sa halos isang milyon ang mga turistang bumisita sa isla ng Boracay sa loob lamang ng kalahating taon.

Sa ulat ng Provincial Tourism Office, mula Enero hanggang Hunyo nitong taon (2017), ang tourist arrivals sa Boracay ay umabot na sa mahigit 947,000.

Mas mataas ang bilang na ito ng 12.48 % kumpara sa bilang ng mga turista sa parehong panahon sa nakalipas na taon.

Nasa 842,000 ang mga turistang nagpunta sa isla noong mga panahong iyon.

Mula Enero hanggang Hunyo ngayong taon, umabot naman sa halos 431,000 ang bilang ng mga foreign tourist sa Boracay, ang local tourists naman ay nasa mahigit 493,000, at ang Overseas Filipino Workers ay nasa mahigit 23,000.

Batay sa datos, ang buwan ng Abril ang may pinakamataas na bilang ng mga turista, o mahigit 233,000.

Sinundan ito ng buwan ng Mayo (mahigit 203,000) at buwan ng Pebrero (mahigit 174,000).

Target ng probinsiya na maabot ang 1.7 milyong bilang ng mga turista bago magtapos ang taong ito.

Matatandaan na naabot ng probinsiya ang target na 1.5 milyon na tourist arrival noong 2016.

Alan Gementiza – Eagle News Correspondent, Aklan

https://youtu.be/gZXp_cBE3NM