SAN JOSE DEL MONTE, Bulacan (Eagle News) — Nawawala ang dalawa sa itinuturing na persons of interest sa nangyaring pagpatay sa limang miyembro ng isang pamilya sa San Jose del Monte City, Bulacan.
Batay sa ulat, sina alyas Tony at Alvin Mabesa na persons of interest sa pagpatay kina Auring Dizon, 53; ang kaniyang anak na si Estrella, 35; at ang tatlong anak ni Estrella sa kanilang bahay sa North Ridge Royale Subdivision noong ika-27 ng Hunyo, ay hindi pa rin natatagpuan hanggang ngayon.
Si Mabesa ay isa sa mga naimbitahan sa Philippine National Police headquarters ng San Jose del Monte City, subalit ito ay pinauwi rin kaagad matapos ang dalawang beses na interview ng kapulisan.
Ayon sa asawa ni Mabesa, June 30 pa nawala ang asawa niya, bandang alas-5:00 ng hapon, sa kahabaan ng Quirino Highway na malapit sa isang hardware.
May nakapagbalita diumano sa kaniya na ang kanyang asawa ay dinukot ng dalawang lalaking naka bonnet habang tinatahak nito ang kahabaan ng highway.
Si Mabesa ay hinarang daw at isinakay sa isang van.
Samantala, hanggang ngayon ay nananatili pa rin sa punenarya ang bangkay ng isa pang isinasangkot sa krimen na si Ronaldo Pacinos, alyas Inggo.
Ang bangkay ni alyas Inggo ay matatandaang natagpuang nakahandusay sa gilid ng kalye malapit sa bahay ng napaslang na mag-iina at biyenan ni Dexter Carlos Sr.
May nakasabit na karatula sa leeg ni alyas Inggo kung saan nakasulat ang “rapist, tulak – wag tularan.”
Ang isa pang person of interest na kinilalang si Roosevelt Sorima, alias Ponga, ay binaril naman sa loob ng kanyang bahay sa Northridge Royale Subdivision sa San Jose del Monte rin.
Idineklara itong dead on arrival sa ospital.
Matatandaan na una nang sinabi ng suspek na si Carmelino Ibañez sa mga pulis na kasama niya sina Pacinos at alias Tony sa paggawa ng krimen.
Si Ibañez ay naaresto na at nakakulong.