(Eagle News) – Itinigil na muna ng Armed Forces of the Philippines ang paggamit ng FA–50 fighter jets matapos muling magmintis ang airstrike ng militar na ikinasawi ng dalawang sundalo at ikinasugat ng 11 iba pa.
Ayon kay AFP Spokesman Brigadier General Restituto Padilla, hindi na muna paliliparin sa Marawi ang 12 na ganitong fighter jets ng Philippine Air Force habang gumugulong ang imbestigasyon sa sanhi ng pumalpak na airstrike.
Aminado si Padilla na ngayon lang sumablay ang pinakamodernong eroplanong pandigma ng militar mula sa mahigit 70 misyon na ikinasa na nito laban sa mga teroristang Maute.
Kaugnay nito, suspendido rin muna ang piloto na nakadisgrasya sa mga sundalo.