PUERTO PRINCESA, Palawan (Eagle News) – Nakipagkaisa ang Puerto Princesa City sa programa ng Department of Health na National Disability and Prevention Week na nagsimula ngayong araw, Lunes (July 17) at matatapos sa July 23.
Bahagi ng programa ay ang pagsasagawa ng iba’t ibang aktibidad kasama ang City Health Office. Ito ay ginanap sa Mendoza Park mula 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon. Isa sa mga naging aktibidad nila ay ang free health check-up sa lahat ng mga may kapansanan na mamamayan ng Puerto Princesa. Kaugnay nito ay mayroon din silang ipinamahaging libreng mga gamot sa mga nakitaan ng sakit. Mayroon ding libreng bunot para sa mga PWD.
Bukod sa pagsasaayos ng kalusugan ng mga may kapansanang Palaweño ay mayroon ding isinagawa na entertaintment activity, tulad ng singing contest at talentadong pinoy, kung saan pawang may mga kapansan ang kalahok.
Ayon sa City Health Office, isinasagawa nila ito taun-taon upang mapangalagaan ang mga PWD sa lungsod at upang maramdaman nila na lahat ng tao ay pantay-pantay sa kabila ng kanilang mga pisikal na kapansanan.
Armaine Krizel Namuco – Eagle News Correspondent, Puerto Princesa, Palawan