TARLAC CITY, Tarlac (Eagle News) – Inilunsad ng lokal na pamahalaan ng Tarlac City ang Water Lily Handicraft Weaving Program para sa mga Persons With Disability (PWD).
Sa nasabing proyekto, tuturuan ang mga kababayan nating may kapansanan na gumawa ng iba’t-ibang kagamitan na mula sa water lily, tulad ng bags, tsinelas, banig, at iba pa.
Bukod sa maaaring pagkakitaan, malaking tulong pa ito sa mga residente.
Sa pamamagitan ng proyekto ay malilinis rin ang mga ilog at estero sa lungsod kung saan karaniwang tumutubo ang mga water lily lalo na’t panahon ng tag-ulan at uso na naman ang mga baha.
Tinatayang aabot sa 36 persons with disability sa lungsod ang sasailalim sa pagsasanay sa water lily handicraft weaving na isasagawa sa ground floor ng City Hall.